SANTA ROSA CITY, LAGUNA — Isang makabagbag-damdaming kuwento ng pagmamahal, pagpapatawad at muling pagbubuklod ng pamilya ang mapapanood sa entablado sa pamamagitan ng “Everlight: A Christmas Musical,” isang orihinal na produksyon ng Rosa Artes na nakatakdang itanghal ngayong Disyembre.
Sa gitna ng masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan, bibigyang-buhay ng musical production ang isang kuwentong nagpapaalala sa tunay na diwa ng Pasko—ang pagpapahalaga sa pamilya, paghilom ng mga sugat ng nakaraan at pagbibigay ng panibagong pagkakataon sa mga taong mahalaga sa ating buhay.
Umiikot ang kuwento kay Don Santiago, isang padre de pamilya na unti-unting nawalan ng sigla at pananabik sa Pasko matapos pumanaw ang kaniyang asawang si Lara.
Dahil sa matinding pangungulila, naapektuhan ang kaniyang relasyon sa mga anak hanggang sa tuluyang mapuno ng lungkot at hindi pagkakaunawaan ang kanilang tahanan.
Magbabago ang takbo ng kaniyang buhay nang makatagpo niya ang tatlong mahiwagang tauhang kumakatawan sa nakaraan (Kahapon), kasalukuyan (Liway) at hinaharap (Amihan).
Sa pamamagitan ng hindi inaasahang paglalakbay, haharapin ni Don Santiago ang mga sakit at pagkakamaling matagal nang bumabalot sa kanilang pamilya, habang unti-unting natutuklasan ang pag-asang muling makapagsisimula at maibabalik ang init ng kanilang pagsasama.
Gagampanan nina JM Caratihan at Jeffrey Iniwan, na maghahalinhinan sa papel ni Don Santiago, ang pangunahing karakter sa produksyon.
Makakasama rin sa cast sina Mark Wilson Flores bilang Kahapon, Fria Vida Anore bilang Liway, at Thea Solamillo at Guila Pauline Gomez na magpapalitan naman sa pagganap bilang Amihan.
Pinangungunahan ni Joanne Beato-Caringal ang produksiyon bilang writer at director, katuwang si Rein Martin Ramos bilang assistant at technical director at si John Francis Alinsod bilang musical director.
Bilang isang community-based theater group mula sa Santa Rosa, layunin ng Rosa Artes na maghatid ng isang makabuluhang pagtatanghal na hindi lamang magbibigay-aliw kundi mag-iiwan din ng aral at inspirasyon sa mga manonood, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Nakatakdang itanghal ang Everlight: A Christmas Musical sa Disyembre 20 at 21, 2026, na may dalawang palabas kada araw, ganap na 1:00 ng hapon at 5:00 ng hapon, sa Gabaldon Hall, Santa Rosa Elementary School Central 2, Santa Rosa City, Laguna.
Mabibili ang mga tiket sa halagang P300 bawat isa.
Para sa reserbasyon at karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Rosa Artes sa numerong 0977-628-1036.
Maaari ring bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng Rosa Artes upang masubaybayan ang mga anunsiyo at iba pang detalye tungkol sa nalalapit na pagtatanghal.
Sa pamamagitan ng kuwentong ito, muling ipapaalala na ang pinakamahalagang regalo tuwing Pasko ay hindi nasusukat sa halaga ng materyal na bagay, kundi sa pagmamahalan, pagpapatawad at pagkakataong muling maging buo ang isang pamilya. #
Discover more from CALABARZON TRENDS
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply