Bumubuo ang Philippine National Railways (PNR), katuwang ang Department of Education (DepEd), ng educational module tungkol sa railway safety para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya.
Layunin nitong maagang maituro sa mga bata ang tamang pag-iingat sa paligid ng riles, kabilang ang pagsunod sa mga safety sign at signal, pag-iwas sa mga restricted area, at pagbabawal sa paglalaro o pagtawid sa riles.
Ayon sa PNR, target na ilunsad ang programa sa Hunyo 2027, na unang susubukan sa Bicol Region bago palawakin sa iba pang lugar, kabilang ang CALABARZON.
Binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng programa kasunod ng insidente sa San Pablo City, Laguna, kung saan nasawi ang isang Indian national matapos mabangga ng dumaraang tren habang tumatawid sa riles.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa DepEd, inaasahang magiging bahagi ng edukasyon ng mga kabataan ang railway safety upang maiwasan ang mga aksidente at mapalakas ang kaligtasan sa mga komunidad na malapit sa riles.
Inilahad ang programa sa 3rd Railway Summit sa Laguna.
SOURCE: PIA
Discover more from CALABARZON TRENDS
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply