MUNTINLUPA CITY — Aabot sa 209 miyembro ng Lakbayan ng Timog Katagalugan ang inaresto ng mga pulis sa Muntinlupa matapos umanong makagambala sa daloy ng trapiko nang magsagawa ng kilos-protesta sa Manuel L. Quezon Street.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Rodel Pastor sa isang panayam sa telepono, nagsimulang magkaroon ng problema nang umalis ang grupo sa kanilang kampo sa Sucat People’s Park at magtungo sa gitna ng kalsada upang magsagawa ng programa.
Sinabi ni Pastor na una nang pinayuhan ng mga pulis ang mga raliyista na bumalik sa kanilang pinanggalingan at inalok pa silang ihatid pauwi, ngunit tumanggi umano ang grupo dahil nais nilang ituloy ang kanilang aktibidad, kabilang ang pagsunog ng effigy.
“Pinapakiusapan natin na umuwi sila sa kanilang pinanggalingan at in-offer pa natin na ihatid sila, ngunit ang kanilang tugon ay ayaw nila. Itutuloy nila ‘yong kanilang isasagawang aktibidad na pagsusunog ng effigy,” pahayag ni Pastor.
Dagdag pa niya, pinayagan pa umano noong una ang grupo na manatili sa People’s Park dahil hindi ito gaanong nakaaabala sa publiko. Gayunman, bandang alas-3 ng hapon, lumabas ang mga ito sa kanilang kampo at nagtungo sa kalsada upang magsagawa ng programa, na hindi pinayagan ng mga awtoridad.
Naantala dahil sa insidente ang 70-kilometrong martsa ng grupo mula sa University of the Philippines Los Baños patungong Philippine International Convention Center (PICC).
Layunin ng kanilang protesta na tutulan ang pagdalo ni US President Donald Trump sa ASEAN Summit. Plano rin nilang makiisa sa iba pang mga raliyista sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Nauna rito, siyam na katao rin ang inaresto sa Liwasang Bonifacio matapos umanong tangkaing magmartsa patungo sa PICC, ang pangunahing venue ng ASEAN Summit.
Samantala, dinala na sa headquarters ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Taguig ang 209 inarestong raliyista para sa kaukulang proseso.
Source: Pahayag ni SPD Director Brig. Gen. Rodel Pastor















Leave a Reply