Nanawagan ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa iba’t ibang sektor na magtulungan upang mapalakas ang industriya ng gulay sa bansa sa gitna ng epekto ng climate change, tumataas na gastos sa produksyon, at mga hamon sa merkado.
Sa ginanap na National Vegetable Congress sa Azuela Cove, Davao City, hinikayat ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo ang mga magsasaka na pagbutihin ang kalidad ng kanilang ani upang maging kompetitibo sa merkado. Aniya, hindi kailangan ng ayuda kung maayos ang presyo ng kanilang produkto.
Hinimok din ni Manalo ang publiko na tangkilikin ang mga lokal na gulay bilang suporta sa mga magsasaka, sa kabila ng mas murang imported na produkto.
Samantala, binigyang-diin ni DA Davao Region Director Macario Gonzaga ang kahalagahan ng gulay sa seguridad sa pagkain at ekonomiya ng bansa. Inamin din niya na kinahaharap ng industriya ang mga hamon tulad ng oversupply, pabagu-bagong presyo, at limitadong access sa merkado.
Sa ilalim ng High Value Crops Development Program, patuloy ang pagbibigay ng suporta ng DA tulad ng dekalidad na binhi, makinarya, greenhouse, pagsasanay, at irrigation system.
Ayon kay VICSMIN Chair Genovivo Cajes, mahalaga ang pagkakaisa at paggamit ng makabagong teknolohiya upang malampasan ang mga hamon. Hinikayat din niya ang mga magsasaka na samantalahin ang pagkakataon upang matuto, makipag-ugnayan, at magbahagi ng kaalaman sa kapwa nila magsasaka. #RPB
Discover more from CALABARZON TRENDS
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply