BATANGAS CITY — Isang dambuhalang monumento ng pananampalataya at simbolo ng pagkakaisa ang matatagpuan sa Montemaria International Pilgrimage and Conference Center sa Barangay Pagkilatan, Batangas City.
Kilala bilang “Mother of All Asia – Tower of Peace,” ang estatwa ng Birheng Maria ay may taas na 98.15 metro o katumbas ng isang 33-palapag na gusali, kabilang ang pedestal at krus na nasa ibabaw ng korona nito. Kinikilala ito bilang pinakamataas na estatwa ng Birheng Maria sa mundo batay sa kabuuang taas.
Nagsimula ang konstruksyon nito noong 2014 at natapos noong 2021. Dinisenyo ito ng yumaong National Artist na si Eduardo Castrillo at pinasinayaan noong Disyembre 7, 2021.
Hindi lamang laki at taas ang nagbibigay-halaga sa monumento. Iniaalay ito sa Mahal na Birheng Maria bilang sagisag ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong Asya at iba pang bahagi ng mundo. Makikita rin sa disenyo nito ang korona na may 12 bituin, na sumasagisag sa mga apostol, at pundasyong may kaugnayan sa 12 tribo ng Israel.
Bahagi rin ng dambana ang mga kapilya, kabilang ang nakalaan kay San Juan Pablo II, at mga observation deck na maaaring marating sa pamamagitan ng elevator o hagdan. Mula rito, matatanaw ang malawak na tanawin ng Batangas Bay at Verde Island Passage.
Dahil sa taas nitong 98.15 metro, nahihigitan ng monumento ang Statue of Liberty sa Estados Unidos at Christ the Redeemer sa Brazil.
Higit pa sa pagiging tanyag na pasyalan, nagsisilbi ang Montemaria bilang sentro ng panalangin, pagdiriwang ng Banal na Misa, retreat at pilgrimage para sa mga deboto at bisita.
Sa bawat pagtingala sa dambuhalang imahen ng Mahal na Birheng Maria, hindi lamang isang kahanga-hangang estruktura ang makikita, kundi isang paalala ng pananampalataya, pag-asa at hangaring makamit ang kapayapaan sa Asya at sa buong mundo. #
Photo credits: Totus Tuus
#CalabarzonTrends
#CalabarzoNews
Discover more from CALABARZON TRENDS
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply