May pag-asa ng dagdag na ayuda para sa mga persons with disabilities (PWD) sa ilalim ng Senate Bill No. 2386 o National Disability Support Act na inihain ni Sen. Bam Aquino.
Layunin ng panukala na magbigay ng ₱2,000 buwanang allowance sa mga kwalipikadong PWD upang makatulong sa mga gastusin tulad ng gamot, therapy, checkup, pamasahe, personal assistance, at iba pang pangangailangang may kaugnayan sa kanilang kondisyon.
Sa unang tatlong taon ng implementasyon, prayoridad na mabigyan ng suporta ang mga batang PWD at adult PWD na may significant disability. Kasunod nito, isasama rin ang mga may moderate disability na nangangailangan ng karagdagang tulong.
Ayon sa panukala, hindi sapat na batayan ang pagkakaroon lamang ng PWD ID. Magkakaroon ng assessment upang matukoy ang antas ng epekto ng disability sa pang-araw-araw na pamumuhay at ang kinakailangang suporta ng bawat benepisyaryo.
Batay sa datos ng National Council on Disability Affairs (NCDA), umabot na sa 2.82 milyon ang rehistradong PWD sa bansa noong Agosto 3, 2026.
Gayunman, mahalagang tandaan na panukala pa lamang ito at wala pang ipinapatupad na ₱2,000 buwanang allowance para sa mga PWD sa buong bansa. Hinihintay pa ang pag-apruba at pagsasabatas nito bago ito maipatupad.
Kung maisasabatas, inaasahang makapagbibigay ito ng karagdagang tulong sa milyun-milyong PWD at kanilang mga pamilya. #RPB
Discover more from CALABARZON TRENDS
Subscribe to get the latest posts sent to your email.















Leave a Reply